Tuesday, 4 November 2014

Abusadong Supreme Court



KUNG minsan hindi natin masisisi itong si PNoy kung bakit madalas siyang nagmamarkulyo dahil sa pakikialam ng Supreme Court. Sadya naman kasing kapag minsan (hindi naman palagi) ay may mga bagay na nanghihimasok ang ating mga hukuman kahit wala na ito sa lugar.

Maliwanag po sa ating Saligang Batas na pantay-pantay o co-equal ang ating ehekutibo, ang ating hudikatura at ang ating lehislatura. Ngunit tila ang nangyayari ngayon ay pinakialaman na lahat ng Korte Suprema ang bawat aksyon at desisyon ng ehekutibo at ng lehislatura kahit hindi na ito itinatadhana ng kanilang kapangyarihan sa ilalim ng ating Saligang Batas.

Ang masaklap, tila wala namang kapangyarihan ang alinman sa dalawang sangay ng ating pamahalaan ang may kapangyarihang supilin ang anomang pang-aabuso ng ating mga hukom.

Isang napakagandang halimbawa itong electoral protest sa Marinduque na isinampa laban kay Congresswoman Regina Reyes na bagama’t ito ay isang isyung politikal ay pinanghihimasukan din ng hudikatura.

Ito’y kahit napakalinaw na may conflict of interest ang isa sa Senior Justices dahil anak nito ang tinalo ni Reyes. Hindi ba alam ito ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno?

Abah naman, Chief Justice, bakit mo naman pinapayagan na gamitin sa politika ang hudikatura at pinapayagan mong baluktutin ang buod at sustansya ng ating mga batas?

Isang magandang halimbawa itong kaso ni Reyes na ang isa sa kanyang mga naging katunggali sa nakalipas na halalan ay ang anak ni Senior Associate Justice Presbitero Velasco na si Lord Allan Jay Velasco.

Bagama’t ang pagtakbo ni Reyes ay pilit na hinarang ni Velasco gamit ang isyu sa kanyang citizenship ay inilampaso ni Reyes si Velasco.

Nagprotesta ang kampo ni Velasco na gumamit pa ng ibang tao upang harangin ang pag-upo ni Reyes subalit dahil tapos na ang halalan, malinaw na malinaw sa ating batas na ang responsibilidad ng pagpapasya sa mga election protest sa Mababang Kapulungan ay nakaatang sa balikat ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).



Malinaw sa ating Saligang Batas sa ilalim ng Section 17, Article 6 na tanging ang HRET lamang ang may kapangyarihang magpasya sa anomang mga protesta na may kinalaman sa isang halal na kongresista. Sa kaso ng mga Senador, ito ay dadaan naman sa Senate Electoral Tribunal (SET).

In short, ang mga isyung gaya ng protesta laban kay Reyes ay maaari lamang desisyonan ng HRET. 
Ngunit tila hindi ito tanggap ng Korte Suprema at pilit na binabaliktad ang desisyon ng HRET. Ito naman ang hihimayin natin sa ikalawang bahagi ng isyung ito.

-------

Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.BIGWAS/GIL BUGAOISAN

No comments:

Post a Comment